Hu Jintao at PNoy, mag-uusap

Pagtanaw at Pananaw
Ni Bert de Guzman

Isang magandang balita na sa wakas ay mag-uusap sina Chinese President Hu Jintao at Pangulong Noynoy Aquino sa gaganaping Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) summit sa Russia sa Setyembre 8-9, 2012. Malaki ang posibilidad na bukod sa ugnayang pangkabuhayan at kalakalan, baka talakayin din ang mga isyu tungkol sa West Philippine Sea, partikular ang Panatag Shoal at Spratlys.Nasa pag-uusap ang pagkakaunawaan at hindi sa pasaringan. Siguro naman ay hindi duduruin ni President Hu si Pangulong Noynoy doon!

Nagdudumilat ang mga headline sa ilang broadsheet sa paghirang ni PNoy kay DOTC Sec. Mar Roxas bilang DILG Secretary, pangulo ng Liberal Party. Ang pinili namang kapalit ni Sec. Mar sa DOTC ay si Cavite Rep. Joseph E.A. Abaya, ang LP secretary general. Normal lang na piliin ni P-Noy ang mga taal na miyembro o pinuno ng kanyang partido, laluna ngayong nalalapit ang 2013 midterm elections. Hawak yata ng DILG ang mga local government unit at ang Philippine National Police.

Maging si Senator Panfilo Lacson pala ay nagulat din kung papaano nakapuslit sa bansa ang magkapatid na puganteng sina ex-Palawan Gov. Joel Reyes at Coron Mayor Mario Reyes, mga akusado sa pagpatay sa brodkaster at environmentalist na si Doc. Gerry Ortega. Nakalabas daw ang dalawa sa pagdaan sa Manila airport noong Marso 18 patungong Vietnam sa tulong ng dalawang kawani ng Bureau of Immigration, sina Rodelio Udarde at Wesley Gutierrez. Si Sen. Lacson kaya ay papaanong nakapuslit noon?

Samantala, pinaghahanap pa rin ang mga puganteng sina ex-Army Maj. Gen. Jovito Palparan, ex-Dinagat Island Rep. Ruben Ecleo Jr., Globe Asiatique owner Delfin Lee, at dalawang lider ng NPA. May patong na tig-P2 milyon sa ulo ang mga pugante, pero hanggang ngayon hindi pa sila natutunton. Posible kayang may kasabwat o tumatangkilik sa kanilang mga taong-gobyerno o mayayaman at impluwensiyado kaya hindi sila maabot ng kamay ng batas?

May mga lumabas na ulat na sa Japan at Taiwan, iminumungkahi na ang kalalakihan ay umihi nang paupo tulad ng kababaihan upang hindi pumanghi ang restrooms. Kasi raw, pag patayo ang pag-ihi ay tumitilamsik kaya naging mapanghi ang palikuran. May pabor at kontra rito. Sa mga salungat sa pag-ihi nang paupo ng lalaki, hindi raw ito praktikal at normal dahil talagang patayo ang pag-ihi. May kahirapan ang pag-upo dahil baka tumama lang ang ihi sa pantalon ng lalaki kaya lalabas siya sa banyo na basa ang suot! Bert de Guzman


Join the discussion

Your email address will not be published. Required fields are marked *